Kapistahan nina Arkanghel San Miguel, San Gabriel at San Rafael

471744437 563635119777792 8879868327100497567 n

Setyembre 29, 2022

– Kapistahan nina Arkanghel San Miguel,

San Gabriel at San Rafael

✝️ MGA PAGBASA SA MISA

Unang Pagbasa:

DANIEL 7:9-10, 13-14 o kaya PAHAYAG 12:7-12

Pagbasa mula sa Aklat ni Propeta Daniel

Habang ako’y nakatingin, may naglagay ng mga trono. Naupo sa isa sa mga ito ang isang nabubuhay magpakailanman. Kumikinang sa kaputian ang kanyang kasuotan at parang lantay na lana ang kanyang buhok. Ang trono niya’y nagniningning. Ang mga gulong nito ay apoy na nagliliyab. Waring agos ng tubig ang apoy na bumubuga mula sa trono. Ang naglilingkod sa kanya’y isang milyon bukod pa sa milyon-milyong nakaantabay. Humanda na siya sa paggagawad ng hatol at binuksan ang aklat. Patuloy ang aking pangitain. Ang nakita ko naman ay isang tila taong nakasakay sa ulap. Bumaba ito at lumapit sa nabubuhay magpakailanman. Binigyan siya ng kapamahalaan, ng karangalan at ng kaharian. Siya ay paglilingkuran ng lahat ng tao, bansa at wika. Ang pamamahala niya ay di matatapos, at di babawiin, at hindi mawawasak ang kanyang kaharian.

Ang Salita ng Diyos.

o kaya: PAHAYAG 12:7-12

Pagbasa mula sa Aklat ng Pahayag

Sumiklab ang digmaan sa langit! Naglaban si Arkanghel Miguel, kasama ang kanyang mga anghel, at ang dragon, kasama naman ang kanyang mga kampon. Natalo ang dragon at ang kanyang mga kampon, at pinalayas sila sa langit. Itinapon ang dambuhalang dragon — ang matandang ahas na ang pangala’y Diyablo, o Satanas, na dumaya sa buong sanlibutan. Itinapon siya sa lupa, pati ang kanyang mga kampon.

At narinig ko ang isang malakas na tinig buhat sa langit na nagsasabi, “Dumating na ang pagliligtas ng Diyos! Ipinamalas na niya ang kanyang kapangyarihan bilang Hari! Ipinamalas na ng Mesias ang kanyang karapatan! Pagkat pinalayas na sa langit ang umuusig araw at gabi sa mga kapatid natin. Nagtagumpay sila laban sa Diyablo sa pamamagitan ng dugo ng Kordero at ang kanilang pagsaksi sa katotohanan; hindi sila nanghinayang sa kanilang buhay. Kaya’t magalak kayo, kalangitan, at lahat ng naninirahan diyan!”

Ang Salita ng Diyos.

Salmo Responsorio:

SALMO 138: 1-5

Tugon

POON, KITA’Y PUPURIHIN

SA HARAP NG MGA ANGHEL.

Ako, Poon, buong pusong aawit ng pasasalamat,

Sa harap ng mga anghel, pupurihin kitang ganap.

Sa harap ng iyong templo ay yuyuko at gagalang,

Pupurihin kita roon, pupurihin ang ‘yong ngalan;

Tugon

POON, KITA’Y PUPURIHIN

SA HARAP NG MGA ANGHEL.

Dahilan sa pag-ibig mo at sa iyong katapatan,

Ikaw’y tunay na dakila, pati iyong kautusan.

Noong ako ay tumawag, tinanggap ko ang tugon mo,

Sa lakas mong itinulong ay lumakas agad ako.

Tugon

POON, KITA’Y PUPURIHIN

SA HARAP NG MGA ANGHEL.

Dahilan sa pangako mong naririnig ng mga hari,

Pupurihin ka ng lahat at ikaw’y ipagbubunyi;

Ang lahat ng ginawa mo ay kanilang aawitin,

At ang kadakilaan mo ay kanilang sasambitin.

Tugon

POON, KITA’Y PUPURIHIN

SA HARAP NG MGA ANGHEL.

Aleluya

SALMO 102:21

Aleluya! Aleluya!

Ang Panginoo’y purihin

ng lahat n’yang mga anghel

na tapat at masunurin.

Aleluya! Aleluya!

✝️ Mabuting Balita

JUAN 1:47-51

Ang Mabuting Balita ng Panginoon

ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, nang makita ni Jesus si Natanael, ay kanyang sinabi, “Masdan ninyo ang isang tunay na Israelita; siya’y hindi magdaraya!” Tinanong siya ni Natanael, “Paano ninyo ako nakilala?” Sumagot si Jesus, “Bago ka pa tawagin ni Felipe, nakita na kita nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng igos,” “Rabi, kayo po ang Anak ng Diyos! Kayo ang Hari ng Israel!” wika ni Natanael. Sinabi ni Jesus, “Nananampalataya ka ba dahil sa sinabi ko sa iyong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos? Makakikita ka ng mga bagay na higit kaysa rito!” At sinabi niya sa lahat, “Tandaan ninyo: makikita ninyong bukas ang langit, at ang mga anghel ng Diyos ay manhik-manaog sa kinaroroonan ng Anak ng Tao!”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pari: Ang ating mga panalangin sa araw na ito ay inilalapit natin sa Ama sa pamamagitan ng pagkilos ng mga banal na Arkanghel, ang mga ganap na espiritu na walang tigil na naglilingkod sa Diyos at sa Kanyang bayan.

Tugon:

SA PAMAMAGITAN NG PAGLILINGKOD

NG MGA ANGHEL, PAGPALAIN MO KAMI,

O PANGINOON.

1. Ang mga Kristiyanong nagdurusa dahil sa pag-uusig, nawa’y ipagtanggol at palakasin ni San Miguel. Manalangin tayo sa Panginoon.

2. Ang mga nagpahayag ng katotohanan, nawa’y mabuhayan ng loob sa pangangalaga ni San Gabriel. Manalangin tayo sa Panginoon.

3. Ang ating mga kapatid na maysakit at nagdurusa, nawa’y aliwin ni San Rafael. Manalangin tayo sa Panginoon.

4. Tayo nawa’y magkaroon ng kababaan ng loob sa harap ng hiwaga ng paglikha na hindi natin nakikita. Manalangin tayo sa Panginoon.

5. Atin nawang laging mamalayan ang pagkilos ng ating mga anghel na tagatanod. Manalangin tayo sa Panginoon.

Pari: Diyos na Maylikha sa amin, tanggapin Mo ang aming mga panalangin at kahilingan habang nagdiriwang kami dahil sa tulong ng mga anghel sa kalangitan na natitipon sa paligid ng dambanang ito. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

Scroll to Top